Christmas party fire: 2 patay
Dalawang lalaki ang iniulat na nasawi makaraang sumiklab ang sunog sa isang restaurant bar sa kasagsagan ng kanilang Christmas party kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ayon kay BFP-National Capital Region chief, Sr. Supt. Pablito Cordeta na nakilala ang mga nasawi na sina Crispin Ignacio, empleyado ng Music 21 Family KTV bar sa Timog Avenue at Edgar Garcia, 32, caretaker sa nasunog na KGB Bar and Grill na nasa panulukan ng Mother Ignacia at Scout Borromeo Sts. sa nabanggit na lungsod.
Sugatan naman sa insidente sina Floyd Phillip, 24; Ronald Malacat at Anthony Garcia, mga boarders ng naturang bar na ginagawang boarding house rin ang ikalawang palapag.
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-3:50 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa may kusina ng naturang bar sa unang palapag. Nabatid na nagseselebra ng kanilang Christmas party ang mga empleyado at boarders ng naturang bar na pag-aari ng isang Rosalie Enriquez nang sumiklab ang sunog.
Agad namang rumesponde ang iba’t ibang unit ng bumbero sa Metro Manila kung saan naisailalim lamang sa kontrol ang apoy dakong alas-5:25 na ng umaga kung saan umabot ito sa ikalimang alarma.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection-National Capital Region chief, Sr. Supt. Pablito Cordeta na posibleng dahil sa sobrang kalasingan kaya hindi na nagawang makalabas ng establisimiyento ng mga biktima na naipit sa loob at kasamang natusta.
Tinitignan din naman ng Quezon City Fire Department ang ulat na isang babae na may diprensiya sa pag-iisip ang may kagagawan sa naturang sunog.
Patuloy naman ang clearing operations ng mga kagawad ng pamatay sunog upang mabatid kung may iba pang nasawi sa trahedya habang nangako si Cordeta ng malalimang imbestigasyon sa insidente.
- Latest
- Trending