Magkapatid na paslit, magkayakap nasunog
Natagpuang magkayakap pa ang wala nang buhay na magkapatid nang hindi na makalabas sa nasusunog nilang bahay sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na sina Renz Dominic Huyera, 4; at Dominic, 3, kapwa residente ng #3216 Felix Roxas St., Sta. Ana, Maynila.
Samantala, nagtamo naman ng 3rd degree burns ang ina nilang si Jasmine Huyera, 30 at facial burns naman sa 2-buwang gulang na bunsong si Darlyn, na kapwa isinugod sa Mandaluyong Medical Center.
Sa ulat ni SFO2 Emmanuel Gaspar, Arson Investigator ng Manila Fire Bureau, dakong alas-12:41 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng apartment na inuupahan ng mag-iina na pag-aari ni Carol Perez.
Hindi nasaktan ang may-ari ng bahay na si Perez habang nang magising si Jasmine ay mabilis nitong inilikas ang sanggol at naiwan umano ang dalawa pang anak.
Nang humupa ang apoy ay nakita na lamang na nasa pintuan na ang magkayakap na magkapatid na pinaniniwalaang na-trap ng bumagsak ng umaapoy na kahoy na tuluyang lumamon sa kabahayan.
Ala-1:55 ng madaling-araw nang ideklarang fire-out ang sunog na umabot sa ika-4 na alarma.
Faulty electrical wiring ang hinalang sanhi ng sunog bagamat patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending