Nasawi ang apat na kalalakihan na remnants ng “Villaver Kidnap For Ransom Group” makaraang makipag-barilan sa mga miyembro ng Presidential Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City. Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang mga pangalan ng apat na mga suspek, kung saan ang tatlo dito ay kaagad na nasawi, samantalang ang isa dito ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Valenzuela City General Hospital (VCGH).
Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa dalawang kasamahan ng mga suspek na mabilis na nakatakas habang nasa kainitan ng barilan.
Ayon sa report ng Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:35 ng madaling-araw sa West Service Road, San Gregorio, Brgy. Canumay ng nasabing lungsod.
Nabatid na sinusundan ng mga tauhan ng PACER at CIDG ang sasakyan ng mga suspek na isang kulay itim na Revo na may tampered plate number na XPC-483 na umano’y matapos na makatanggap ng report na magsasagawa ang grupo ng kanilang operasyon sa San Juan.
Gayunman, natunugan ng mga suspect ang pagbuntot sa kanila ng mga awtoridad kaya mabilis na pinaharurot ang kanilang sasakyan patungong North Luzon Expressway (NLEX) kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PACER at CIDG sa Valenzuela City Police.
Makalipas ang mahabang habulan ay nagawa ring makorner ng mga awtoridad ang sasakyan ng mga suspek ngunit sa halip na magsisuko ay nagpaputok ang mga ito, dahilan upang mapilitang gumanti ang pulisya. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)