2-anyos natusta sa sunog

Isang 2-anyos na batang lalaki ang nasawi makaraang   kasama itong masunog ng kanilang tira­han, kahapon ng hapon sa Las Pinas City.

Hindi na makilala pa nang ma-bungkal ng mga pamatay-sunog ang labi ni Nathaniel Ryan Vicente, residente ng San Isidro St., Green Valley, Gatchalian Village, Brgy. Manuyo ng nabanggit na lungsod.

Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan namang inaalam pa ng awtoridad ang pangalan ng mga magulang ni Na­tha­niel at kung nasaan ang mga ito nang mangyari ang insidente.

Batay naman sa inisyal na ulat, dakong ala-1:02 ng hapon nang unang mag­liyab ang ikalawang pala­pag ng bahay ng pamilya kung saan natutulog ang biktima, habang ang kani­yang lolo Felimon Molo, lola at dalawang kasa­mahan ay nasa unang pa­lapag ng bahay.

Ayon sa pahayag ni Molo, masyadong mabilis ang pangyayari kung saan wala man lang umano silang naamoy na usok o anumang palatandaan na may nasu­ sunog sa alin­mang bahagi ng kanilang bahay.

Laking-gulat na lamang umano ng matandang Molo nang may kumalam­pag at nang matiyak na nasusunog ang kanilang bahay ay mabilis na umak­yat ito sa ikalawang pala­pag upang kunin ang apo subalit hindi na nakayanan pa ng matanda ang ku­lampol ng usok.

“Maraming kurtina sa itaas (2nd floor) kaya grabe ang usok,” ayon pa kay Molo.

Malaki naman ang hinala ng mga arson investigators na isang nag-overheat na electric fan ang pinagmulan ng sunog na ikinamatay ng nag-iisang anak na si Nathaniel. 

Ang sunog ay tumagal ng may halos isang oras bago naapula ng mga ru­mespondeng pamatay-sunog. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments