Ex-mayor nabiktima ng dugo-dugo gang
Isang dating mayor at pamilya nito ang nabiktima ng Dugo-Dugo Gang makaraang malimasan ng P40 milyong halaga ng salapi at alahas sa Malabon.
Kinilala ni Supt. Roberto Villanueva, hepe ng kapulisan dito, ang nabiktima na si Amado Vicencio, dating alkalde at asawang si Florenda, pawang mga naninira han sa Araneta Subdivision, Brgy. Potrero sa lungsod.
Nasa kustodiya naman ng awtoridad ang katulong ng mga biktima na si Rubilyn San Dionisio, 23, dalaga, para sa imbestigasyon.
Nakatanggap umano si San Dionisio ng tawag sa telepono na nagpakilalang si Mrs. Vicencio na ito ay nakabangga ng isang tao sa kalsada.
Sinasabing kinumbinsi ng nasabing babae ang katulong na kunin ang pera at alahas na nakalagay sa attaché case para ipangbabayad nito ng piyansa sa pulis dahil namatay umano ang nabangga nito.
Dahil napaniwala, puwersahang binuksan ni San Dionisio ang kuwarto at cabinet ng mag-asawang Vicencio saka kinuha ang alahas na nagkakahalaga ng P40 million at salaping P200,000 cash.
Nang makuha ay inutusan ang katulong ng babae na dalhin ang nasabing pera sa SM North EDSA kung saan siya sinalubong ng babae at ibinigay ang mga ito. Huli na nang malaman ng katulong na hindi niya amo ang tumawag sa kanya. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending