Dahil sa malamig na panahon, taxi driver inantok, truck sinalpok
Sugatan ang isang pasahero makaraang bumangga ang sinasakyan niyang taxi sa isang dump truck matapos na makaidlip ang driver nito dahil umano sa lamig ng madaling-araw sa Quezon City, kahapon.
Ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang panig ng katawan ang biktimang inisyal na nakilalang si Raniel Perole.
Inaresto naman ng mga tauhan ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit ang driver na si Ludovico Buan, 42; at driver ng dump truck na si Marlon Ignacio.
Sa imbestigasyon, nabatid na naganap ang insidente pasado alas-4 ng madaling-araw sa kanto ng EDSA at Samar Sts. sa Brgy. West Triangle, ng naturang lungsod. Humahagibis umano ang taxi (TYR-418) na minamaneho ni Buan nang bumangga sa likod ng dump truck na may plakang UNE-682.
Inamin naman ni Buan sa mga imbestigador na nakaidlip siya dahil sa lamig ng panahon at hindi na alam ang nangyari hanggang sa bumangga nga sa likod ng trak.
Nabatid sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services na naitala ang pinakamalamig na panahon kahapon ng madaling araw sa Metro Manila nang bumagsak ang temparatura sa 19 degress Celsius. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending