Isang fetus na may gulang na 2 hanggang 3 buwan ang kamuntik nang maapakan ng mga nagsimbang gabi, sa Quiapo, Maynila matapos iwan sa tabi ng isang basurahan, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni Det Denito Cabatbat ng Manila Police District MPD)-Homicide Section, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang madiskubre ng isang parking boy ang isang kahon na kinalalagyan ng fetus sa harapan ng Quiapo Church at Mercury Drugs, sa may panulukan ng Quezon Blvd. at R. Hidalgo St., Quiapo.
Ayon sa parking boy, napansin nito ang isang kahon sa tabi ng nasabing basurahan sa akalang may laman na pakikinabangan ay binuksan niya ito subalit tumambad sa kanya ang isang asul na panty ng babae na dito ibinalot ang fetus at inilagay din sa plastic bag. (Ludy Bermudo)