Iniwan ng ka-live-in, nagbaril
Isang lalaki ang nasawi matapos itong magbaril sa bibig nang malaman niya na ang kanyang live-in partner na nagpunta sa Japan ay nagpakasal na sa isang Hapon kamakalawa sa Malabon City.
Patay na nang idating sa Tondo Medical Center si Jasper Casiño, 30, ng Espiritu St., Tinajeros ng lungsod na ito.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Bobby Mario Egera, alas-6 ng gabi nang magbaril sa bibig ang biktima sa loob ng kanilang bahay kung saan agad itong dinala ng kanyang pinsan na si Jeffrey sa nabanggit na pagamutan subalit hindi na ito umabot pang buhay.
Nabatid na sa nakalipas na mga araw ay naging malungkutin ang biktima nang malaman na nagpakasal sa Hapon ang kanyang ka-live-in na nagpunta sa Japan.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang baril na ginamit ng biktima.
Samantala, natuluyan din ang pagpapatiwakal sa ikatlong pagkakataon ng isang 37-anyos na binata, nang magbaril sa kanyang sentido, sa Paco, Maynila, kamakalawa ng hapon
Patay na nang matagpuan sa kanyang kuwarto ng kanyang ama ang biktimang si Redinald Peralta, ng President Quirino Ave, cor. Gen Luna Extn., Paco, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng inuupahang bahay ng biktima.
Sinabi ng kanyang ama na si Antonio Peralta, 66, mag-isa ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay nang umalis siya upang ibili ng gamot dahil sa sobra umanong pananakit ng ulo ng anak sa hindi binanggit na karamdaman.
Nang siya ay bumalik ay natuklasan niya ang ginawang pagpapakamatay nito.
Katabi pa nito ang kalibre .38 baril, na pag-aari ng ama at may kumpletong papeles.
Sinabi umano ng ama na ikatlong beses na ang pagpapatiwakal ng kanyang anak. Una umanong nalusutan pa ng biktima ang kamatayan sa dalawang ulit na pagtatangka nitong magpakamatay sa pamamagitan ng paglalaslas ng pulso.
Inaalam din kung may naganap na foul play. (Lordeth Bonilla at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending