Ginang kinatay ng bayaw

Isang ginang ang pinatay sa saksak ng kanyang bayaw sa kainitan ng kanilang pag-aaway, kamaka­lawa ng gabi sa Caloocan City. Kinilala ng pulisya ang biktimang hindi umabot ng buhay sa pagamutan sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na si Mieshel Arisala, 25, ng 2nd Avenue ng nabanggit na lungsod,

Kaagad namang tumakas matapos ang insidente ang suspek na nakilalang si Daryl Arisala, 25, bayaw ng biktima at naninirahan din sa nasabing lugar.

Ayon sa report, bandang alas-11:30 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa loob ng tahanan ng biktima at suspek sa naturang lugar.

Nabatid na bago maganap ang insidente, inaawat umano ng suspek ang mainitang pag-aaway ng na­sawi sa mister nito na kapatid ng suspect na si John Bryan. Dahil ayaw umanong magpaawat ng biktima, sila na ang nagsigawan ng suspek at nagpalitan ng masa­samang salita kung saan dito na nagalit ang lalaki.

Habang nasa kainitan ng kanilang pag-aaway ay kumuha ng patalim ang suspek at pagkatapos ay sunud-sunod nitong pinag-uundayan ng saksak sa kaliwang bahagi ng katawan ang kanyang hipag. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay kaagad na isinu­god ng ilang kapit­bahay sa nasabing ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga. (Lordeth Bonilla)

Show comments