Mahigit 400 pamilya ang nawalan ng tahanan sa loob lamang ng halos isang oras dahil sa malaking sunog na naganap, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Ayon sa ulat ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-5 nang maganap ang sunog sa Medina St., Pio del Pilar malapit sa Skyway ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na umabot ng ika-limang alarma ang naturang sunog bago ito tuluyang na-kontrol.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, napabayaang kandila mula sa bahay ng isang Gregorio Gonzales ang naging dahilan ng paglaki ng apoy.
Wala namang nasawi sa insidente, subalit sugatan naman ang isang Richard Andrade matapos matamaan ng nagliliyab na mga kahoy habang inililikas ang kanilang mga kagamitan.
Samantala, sa Quezon City mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang masunog ang isang “squatter’s area” dito kahapon.
Apat naman na residente ang naiulat na nasaktan sa naturang sunog na nag-umpisa pasado alas-12:30 kahapon ng hapon sa squatter’s colony sa Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro ng naturang lungsod.
Tumagal ang sunog ng halos dalawang oras kung saan umabot ito sa ikalimang alarma. Umaabot sa 50 kabahayan ang sinasabing natupok sa naturang sunog.
Ilan sa tinitignang anggulo ang posibleng pagsabog ng iligal na “jumper” sa kuryente habang isa pang nakikitang sanhi ng apoy ay ang naiwang kandila na ginamit ng isa sa mga residente na pangsindi sa uling na gamit pangluto. (Rose Tesoro at Danilo Garcia)