Empleyado pinarangalan
Ipinahayag kamakailan ni Manila Mayor Alfredo Lim na bibigyan ng pagkilala ang mga epektibong empleyado ng Lungsod matapos bigyan ng pagkilala ang mga katangi-tanging fiscal teller ng City Treasurer Office dahil sa malaking bahagi ng kanilang naiambag para maitaas ang koleksiyon sa buwis ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Kasabay nito, binalaan ni Lim ang mga empleyado na magiging tiwali sa kanilang tungkulin na kakasuhan sila ng lokal na pamahalaan sa sandaling mapatunayan na nang-uumit sila ng pondo ng lokal na pamahalaan.
Kasama si City Treasurer Erlinda Marteja, ipinagkaloob ni Lim ang mga certificates of recognition sa may 26 fiscal tellers sa isang simpleng seremonya na ginanap sa taxpayer’s center sa City Hall at pinagkalooban din sila ng tig-P1,000 cash na insentibo.
Pinagkalooban din ng on-the-spot promotion ng alkalde si Katherine Bravo ng CTO miscellaneous section dahil sa pagiging pinakaepektibo nitong public servant matapos na makapag-isyu ng 77,441 official receipts para sa taong 2008. (Doris Franche)
Kuryente pinutol ng bumanggang bus
Nawalan ng suplay ng kuryente ang ilang bahagi ng Quezon City kahapon ng madaling-araw nang isang pampasaherong bus ang mawalan ng kontrol at salpukin nito ang isang poste sa kahabaan ng East avenue sa lungsod.
Naganap ang insidente pasado alas-4 ng madaling-araw nang ang pampasaherong bus na Newman Goldliner ay patungo sa southbound lane ng East Avenue na papaliko sa kaliwa puntang Edsa dahilan para mahagip nito ang isang traffic light dito.
Ang matinding lakas ng pagkakabanga ng bus sa poste ng kuryente ang nagbunsod ng pagkawala ng kuryente sa naturang lugar.
Agad namang dinala ng mga nagrespondeng pulis ang konduktor ng bus dahil tumakas ang driver nito. (Angie dela Cruz)
Bangkay na hubo
Nagkahiyaan at hindi tumuloy sa paglalaro sa basketball court ang isang grupo ng mga kabataan nang makakita ng babaeng nakahiga na inakalang nakahubong natutulog lamang sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga. Nabatid na ilang oras nang patay ang biktima na inilarawan sa edad 30-40 anyos, 4’8’’ o 4’10’’ ang taas, may kapayatan at nakasuot lamang ng t-shirt na pula at walang saplot ang ibabang bahagi ng katawan. Ayon kay Det. Dave Tuazon, imbestigador ng Manila Police District- Homicide Section, dakong alas-6:30 ng umaga nang matuklasan ang bangkay sa Tanduay Gymnasium Building sa 499 Carlos Palanca St., Quiapo. (Ludy Bermudo)
Humabol sa kamatayan
Nadulas, nahulog at nalunod sa isang ilog ang 56 anyos na ginang na si Nieves Moralla habang hinahabol niya ang nahulog niyang tsinelas sa Sitio Camarin, Caloocan City kamakalawa. Bandang alas-10:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Matarik River sa Sitio Camarin. (Lordeth Bonilla)
Mister nagbaril sa sarili
Isang mister na sinasabing nawala sa sariling katinuan ang nagpatiwakal sa Caloocan City kamakalawa.
Hindi na umabot nang buhay sa Tala Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo si Carlito Talapia, 30, ng Si meon St., Barracks ng lungsod na ito.
Sa pahayag ng asawa ng biktima na si Glenda, alas-2 ng hapon, naglalaba siya nang makarinig ng putok mula sa loob ng kanilang bahay.
Nang tignan ng ginang ay nakita nitong duguan nakabulagta ang biktima na naging dahilan upang dalhin sa nasabing ospital.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang paltik na kalibre .38 na sinasabing ginamit ng biktima.
Nabatid sa ginang na mayroon mental disorder ang kanyang asawa. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending