Ginang iniwan ng ka-live-in nagbigti

Patay na nang matagpuan ang isang 20-anyos na babae matapos na magbigti dahil sa matinding depresyon matapos na iwanan ng kinakasama nito dala ang dalawa nilang anak, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Karen Macalalag, ng Bali­canta Street, Sitio San Roque II, Brgy. Pag-asa, ng natu­rang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang bangkay ni Maca­lalag dakong alas-2 ng hapon ng kanyang pinsan na nakilala lamang sa pangalan na Nathan.

Sa pahayag ni Nathan sa pulisya, pinuntahan niya ang biktima sa kanyang bahay upang alamin ang kala­gayan dahil sa pagiging balisa nito at wala sa sarili dulot ng problema nito sa pamilya.

Napilitang sirain ni Nathan ang pintuan dahil hindi sumasagot ang biktima sa kabila ng ilang ulit na pagkatok dito. Nang mabuksan ang pinto dito na nadiskubre ni Nathan ang pinsan na nagbigti gamit ang isang nylon cord.

Sinabi nito na mag-isa lamang na nakatira ang biktima sa kanyang bahay dahil hiniwalayan ito ng kanyang kinakasama na nakilalang si Mark Anthony Otsenta ilang linggo pa lamang ang nakakaraan. 

Mas lalo pa umanong nadagdagan ang lungkot ng biktima nang bumalik ang kinakasama nito at kinuha ang dalawa nilang anak   dahil sa hindi umano kayang buhayin ng biktima. (Danilo Garcia)

Show comments