Ginang na trader patay sa ambush

Nagka-gutay-gutay sa tama ng bala sa katawan ang isang negosyanteng ginang makaraang tamba­ngan ito at pagbabarilin ng dalawang hinihinalang mga miyembro ng “riding in tandem gang”, kama­ka­lawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Cristeta Sa­hagun, 37, ng Diamond Road, Kaybiga ng nabang­git na lungsod.

Batay sa ulat ng pu­lisya, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng ginang sa Diamond Road , Kaybiga, Caloocan City. 

Nabatid na kasaluku­yang naglalakad ang bik­tima sa naturang lugar ka­sama si Angelica Angeles, 17 at pauwi na sana ito sa kanilang tahanan nang bigla na lamang silang salubungin ng dalawang suspect na pawang sakay ng isang motorsiklo.

Dito, walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng mga suspect ang na­biglang biktima na agad namang tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa duguan itong humandusay bago mabilis na nagsitakas ang mga salarin sakay ng kanilang motorsiklo na hindi na nakuhanan pa ng plaka.

Mabilis namang humi­ngi ng tulong ang kasa­mang dalagita ng biktima sa isang malapit na para­da­­han ng tricycle at dito aga­­­rang isinugod ang gi­ nang sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Kasalukuyan na nga­yong nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa in­sidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect pati na motibo ng mga ito sa pa­ma­maslang sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments