Isang 12-anyos na batang lalaki ang bugbog sarado matapos nitong gantihan ng “dirty finger” ang isang tsuper ng taxi kamakalawa sa Valenzuela City. Nakakulong sa Valenzuela City Police ang suspect na si Federico Lumbay, 53, ng De Guzman St., Marulas ng lungsod na ito. Pasa at bukol naman ang tinamo ng biktimang itinago sa pangalang “Totoy”, kapitbahay ng suspek. Ayon sa pulisya, alas-4 ng hapon, nakabantay sa loob ng kanilang tindahan ang biktima nang dumaan ang suspek at senyasan nito si Totoy ng dirty finger.
Gumanti naman ng senyas ang biktima na ikinapikon ng suspek at agad na pinasok nito sa tindahan si Totoy at ginulpi bago ito tumakas. Nagsumbong naman sa kanyang mga magulang ang biktima na naging dahilan upang tumawag ng mga pulis at ipadakip ang suspek. (Lordeth Bonilla)