Tamad at nagtutulog na mga pulis, gagamitan ng sirena
Gagamitan ng mga sirena at blinkers ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang mga tatamad-tamad na kabaro na nagtu tulog sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sinabi ni QCPD director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na ipapatupad nila ngayon ang “Oplan Sirena Bulabog” na binuo ni Sr. Supt. Frederico Laciste, Deputy District Director for Operations.
Ipinaliwanag ni Gatdula na ang mga pulis na nakatalaga sa isang “Fixed Visibility Points (FVP)” sa lungsod ay madalas na nagre-relax kapag naging pamilyar na sa kanila ang lugar. Sa pamamagitan ng programa, makakalampag ang mga pulis na ito at ililipat sa ibang lugar para mapalawak ang sakop ng lungsod na kanilang pagpapatrulyahan.
Sa ilalim ng programa, magtatalaga ng mga patrol units ang QCPD sa bawat FVP sa 11 istasyon sa lungsod. Kakalampagin naman ng District Tactical Operations Center (DTOC) ang mga ito sa nakatakdang oras sa pamamagitan ng radyo upang magpalitan ng kanilang posisyon. Dito na paaandarin ng patrol units ang kanilang mga sirena at blinkers habang lumilipat ng lugar upang makalampag naman ang mga masasamang loob sa presensya ng pulisya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending