Ina binigti ang 2-anyos na anak bago nag-suicide
Binigti muna ng isang ina ang 2-anyos niyang anak bago nagpakamatay ang una dahil sa labis na hinanakit ng ginang sa kanyang mister dahil sa hindi pagbibigay ng suporta sa kanila, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Halos mawalan ng ulirat nang abutan ni Reggie Agulay, manager ng Filipino Food Favorite, ang kalunus-lunos na kalagayan ng kanyang asawa at anak na nakilalang si Marivic Agulay, 26; at Kate Angelic, na wala nang buhay habang nakabitin sa kisame ng inuupahan nilang bahay sa Area 7-A Fourth Estate, Brgy. San Antonio ng nasabing lungsod.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Odeo Carino, may hawak ng kaso, dakong alas- 6:20 ng gabi, dumating sa kanilang bahay mula sa trabaho si Reggie at pagpasok nito ay nakita ang misis na si Marivic na nakabitin sa kisame ng kanilang bahay sa kusina gamit ang cord ng plantsa, habang nakabigti rin sa pamamagitan ng sintas ng sapatos sa tabi ng ginang ang kanilang anak.
Bago umano nagpakamatay ang nasabing ginang ay nakapagpadala pa ito ng text message sa mister na ganito ang nakasaad: “Bahala ka na, tahimik na kami ng anak mo.”
Bukod sa nasabing text message, natagpuan din ang tatlong-pahinang suicide note ng babae na naglalaman ng kanyang hinanakit sa asawang si Reggie dahil sa umano’y hindi nito pagbibigay ng halaga sa iniukol nitong pagmamahal.
Nakasaad din sa kanyang sulat na tanging ang pagpapatiwakal lamang ang alam niyang paraan para maipadama ang kanyang pagrerebelde sa mister.
Lumilitaw sa imbestigasyon na malaki ang hinanakit ng ginang dahil sa umanoy kalahati ng sahod ng lalaki ay napupunta sa pamilya o kaanak nito kaya’t hindi sila makaahon sa kahirapan.
Napag-alaman na bago isinagawa ng ginang ang pagpapakamatay ay ibinitin muna nito ang anak gamit ang sintas ng sapatos, hinarangan ang pinto ng bahay ng silya at ipinatong ang kanilang TV bago nilakasan ang radio kaya’t inakala ng mga kapitbahay na nagkakasayahan lamang sa loob ng kanilang tahanan.
Nakapasok lamang umano si Reggie sa pamamagitan ng pagbaklas sa jalousie ng bahay.
Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ang nasabing kaso.
- Latest
- Trending