Tinangkang sunugin ng hindi pa nakikilalang suspek ang bangkay ng 27-anyos na binatang si Joel Ivan de Guzman, makaraang patayin niya o nila ito sa tinutuluyang yunit nito sa Somerset Condominium sa Leveriza, Pasay City kahapon ng tanghali.
Natuklasan ang pagkakapaslang kay de Guzman makaraang maapula ang apoy na tumupok sa kanyang condominium unit.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives, nagtamo ng apat na sugat dahil sa palo ng matigas na bagay sa ulo at noo si de Guzman na anak ng isang dating opisyal ng Manila Police District.
Bago nangyari ang sunog, naging bisita ng biktima ang isang Eric Dacutan na nagpakilalang empleyado ng Sykes Company at residente ng Pasig City dakong alas-10:18 ng umaga.
Sinabi sa pulisya ni Richie Prudente, guwardiya sa lobby ng condominium sa pulisya, na umalis si Dacutan batay sa itinala niya sa kanilang record book dakong alas-12:40 ng hapon, ilang minuto bago nangyari ang sunog.
Hinahanap na ngayon ng pulisya si Dacutan kaugnay ng krimen. (Lordeth Bonilla)