Lubak sa kalsada sinisi sa aksidente
Isang malalim na lubak sa kalsada ang dahilan ng maraming aksidente kung saan pinakahuling malubhang nasaktan ang isang driver ng motorsiklo matapos na mabangga ng isang taxi nang kumabig sa kabilang lane ng kalsada kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Hinihinalang bali ang buto ni Mario Navarette, driver ng isang Honda Wave type na motorsiklo. Isinugod ito sa pagamutan ng mga tauhan ng Quezon City Rescue Unit. Sumuko naman sa Quezon City District Traffic Enforcement Unit ang driver ng R & E taxi na si Arnulfo Malibas na umamin naman sa kanyang kasalanan.
Naganap ang aksidente dakong alas-11:30 ng gabi sa kahabaan ng D. Tuazon Avenue malapit sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City. Sinabi ni Malibas na umiwas siya sa napakalalim na lubak sa kanyang lane at lumipat sa kabila kung saan kasalubong naman nito ang isang motorsiklo.
Sinabi ni Malibas na hindi na siya nagawang makaiwas dahil sa sobrang bilis ng dating ng motorsiklo na sumalpok sa windshield ng taxi. Tumalsik naman ng ilang metro si Navarette na nakaligtas sa kamatayan dahil sa suot nitong helmet.
Ayon sa mga barangay tanod sa lugar, napakarami nang motorista karamihan ay mga motorsiklo ang naaaksidente sa naturang lubak. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending