Agawan sa mikropono, lalaki tinodas sa KTV bar
Dahil umano sa agawan sa mikropono isang lalaki ang nasawi makaraang pagtulungan itong gulpihin at pagsasaksakin ng isang grupo ng kalalakihan sa loob ng videoke bar kahapon ng madaling-araw sa San Juan.
Nakilala ang nasawi na si Arnold Paderna, residente ng Pureza St., Sta Mesa Manila sanhi ng tinamong dalawang tama ng saksak sa kilikili.
Samantalang nadakip naman ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si Raymond Pedrizo, 35, jeepney driver at residente ng nasabing lungsod, habang nakatakas naman ang dalawa pa nitong kasamahan.
Batay sa ulat, dakong alas-2:45 ng madaling- araw ng maganap ang insidente sa U&Z KTV and Resto Bar na matatagpuan sa 39 G. Araneta Ave. kanto ng N. Domingo St. Brgy. Progreso San Juan.
Nabatid na bago naganap ang insidente ay sabay na nag-iinuman sa magkaibang lamesa ang grupo ng suspek at ang biktima na nang malasing na ay nagtalo umano dahil sa mikropono. Nag-aagawan ang mga ito kung sino ang unang kakanta.
Matapos ang ilang sandali ay tumayo ang biktima upang pumunta sa palikuran para umihi subalit lingid sa kanya ay sinundan siya ng isa sa mga suspek at doon ay pinagsusuntok hanggang sa pagtulungan na itong gulpihin ng mga kasamahan at saksakin ng dalawang ulit.
Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang mga suspek at tanging si Pedrizo lamang ang nahuli ng mga rumespondeng pulisya. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending