Tumagal ng mahigit sa dalawang oras ang pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway matapos magsalpukan ang apat na sasakyan dito.
Batay sa inisyal na ulat ng SLEX Traffic Management, ang insidente ay naganap pasado alas-6 ng umaga sa northbound ng SLEX malapit sa Km 11 ng Nichols Exit. Bagama’t walang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente, ang salpukan ay nagdulot naman ng sobrang pagsisikip sa daloy ng trapiko na tumagal ng mahigit sa dalawang oras.
Kabilang sa nasangkot sa karambola ang isang Toyota Vios na may plakang ZPK-751, Mitsubishi Lancer na may plakang XBL-792, isang Isuzu Elf na may plakang BBJ-813 at Honda Civic na may plaka namang THM-691. Ang mga driver ng nagka-rambolang sasakyan ay pawang nagkasundo naman na ayusin ang gusot at hindi na magharap pa ng anumang reklamo sa traffic management office ng SLEX.
Nabatid na ang Toyota Vios na minamaneho ni Gregory Casimbulan ay bumangga sa harapan ng Lancer kung saan nawalan ito ng kontrol at sumalpok naman sa Honda Civic bago nabundol naman ang Isuzu Elf pick-up truck. (Rose Tamayo-Tesoro)