Hindi na nakamtan ng isang grade-4 pupil na batang babae ang kanyang hiling na bagong sapatos matapos na aksidenteng mahulog umano ito sa duyan at humampas sa lapag ang mukha sa loob ng kanilang school sa Malabon City kahapon ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa Pagamutang Lungsod ng Malabon (PLM) sanhi ng grabeng pinsala na tinamo nito sa mukha na si Liezl Angela Santiago, 10, ng Escanilla St. Brgy. Concepcion ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng Arellano University School na matatagpuan sa kahabaan ng Gov. Pascual St., Brgy. Concepcion ng nasabing lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nagduduyan ang biktima sa swing ng nasabing paaralan habang isinasagawa ang P.E. class nito at makalipas ang ilang sandali ay biglang nagkagulo dahil nakitang nakasalampak at duguan ang mukha ni Santiago.
Agaran itong dinala sa clinic ng paaralan bago mabilis na inilipat sa nasabing ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Ayon sa pulisya, walang gustong magsalita sa pamunuan ng nasabing iskul hinggil sa insidente dahil na rin sa payo umano ng abogado ng eskuwelahan.
Napag-alaman na bago maganap ang insidente ay humihiling ang biktima ng bagong sapatos sa kanyang inang si Lyla subalit hindi na nito makakamtan dahil sa naganap na aksidente. (Lordeth Bonilla)