Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage at may marka ng sakal sa leeg, nakasilid sa magkakahiwalay na sako ng bigas ang natagpuan sa tambak ng basura, sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang matuklasan sa tambakan ng basura sa Road 10, Lakandula St, Tondo, Manila, ang bangkay ng tatlong biktima ng basurerong si Randy Gigante, 21.
Sa pag-aakala ni Gigante na mapapakinabangan ang laman ng mga sako ay hinalungkat at pilit na inalis ang nakadugtong na packaging tape at nakita niya na mga tao lahat ang laman nito.
May kabuuang 6 na sako ng bigas ang ginamit sa tatlong lalaki. Sa pagsusuri ng pulisya, nakita ang bakas ng pagkakasakal sa leeg na pinaniniwalaang ikinamatay ng mga lalaki bago ito isinako. Posibleng pinatay umano ang tatlo dakong ala-1 ng madaling-araw. (Ludy Bermudo)