Coed binoga sa mukha ng 50-anyos na suitor
Patay ang isang 20-anyos na magandang kolehiyala matapos na barilin sa ulo at mukha ng 50-anyos niyang manliligaw at saka inihulog mula sa loob ng kotse ng huli kahapon ng madaling-araw sa Paco, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktmang si Ana Katrina Pamilar, 3rd year student sa City College of Manila at residente ng Bo. Sta. Maria, Paco, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at mukha
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na isang Rey Pascua na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ni Det. Jaime Gonzales Jr. ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-12:50 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng P. Gil at Bo. Sta Maria, Paco.
Sa pahayag ng barangay tanod na si Jesus Paglaluan, nakita niya ang biktima na naglalakad patungo sa nakaparadang puting Nissan Sentra (LEC). Nang pumasok umano ang biktima sa nabanggit na sasakyan ay bigla siyang nakarinig ng mga putok at narinig niya ang pagharurot ng nasabing kotse.
Nakita na lamang niya at iba pang saksi na inihulog mula sa sasakyan ang biktima na duguan ang mukha at ulo.
Sa pag-iimbestiga, ibinunyag ng kapatid ng biktima na nakilalang si Ara, 19, na ang nasabing kotse ang madalas gamitin ng masugid na manliligaw ng kanyang kapatid sa pagdalaw sa kanilang tahanan at kilala nila ito sa pangalang Rey Pascua.
Dagdag pa ni Ara, kahit panay ang iwas ng kanyang kapatid kay Pascua ay madalas umano itong magpunta sa kanilang bahay at kinukulit ito sa panliligaw.
Patuloy pa ring inaalam ang motibo at kung ang suspect na itinuturo ang positibong gumawa ng krimen.
- Latest
- Trending