LRT magtatayo ng sariling fire station
Matapos ang sunud-sunod na malalaking sunog na naganap sa Baclaran, Pasay City magtatayo na ngayon ang Light Rail Transit (LRT) ng sarili nilang fire station sa takot na madamay ang kanilang establisimento sa pagkalat ng apoy sa naturang komersyal na lugar.
Sa koordinasyon sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Pasay Volunteer’s Fire Brigade, itatayo ng LRTA ang kanilang fire station sa bakanteng lote sa ilalim ng Baclaran terminal station kung saan sasagutin nito ang lahat ng gastos at mga permits.
Sinabi ni LRTA Administrator Mel Robles na naisip nila ang malubhang pangangailangan sa sariling istasyon ng bumbero dahil sa pagkalugi na aabot sa P4.1 milyon sa pagkaantala ng kanilang operasyon dahil sa magkakasunod na sunog na naganap nitong mga nakaraang buwan sa mga malls na malapit sa kanilang istasyon.
Nakapagtala na ang Baclaran ng anim na magkakasunod na sunog ngayong taon kung saan ang pinakahuli ang pagkatupok ng Baclaran Mall na muntikan nang maabot ng apoy ang kanilang istasyon.
Naisip nila ang agarang pangangailangan sa pagtatatag ng fire station upang maproteksyunan ang buhay ng kanilang mga pasahero at mga ari-arian dahil sa napapaligiran ang Baclaran terminal ng mga establisimentong komersyal na sobrang nagsisiksikan na at panganib sa sunog. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending