Mobile car sinalpok ng van: 2 parak sugatan
Dalawang pulis ang nasugatan nang salpukin ng rumaragasang van ang sinasakyan nilang mobile car kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.
Sa lakas ng pagkakasalpok, umikut-ikot pa ang patrol car na may plakang SJA-558 bago pumailalim ang unahang bahagi sa isang nakaparadang ten wheeler truck na nagresulta nang matin ding pinsala sa balikat at iba pang parte ng katawan nina SPO2 Zosimo Reyes at SPO1 Roldan Emelo, kapwa 51 at kapwa nakatalaga sa Mobile Unit ng Parañaque Police.
Sumuko naman ang driver ng van na may plakang ZBT-208 na si Ely Jasmin, Jr., 39 ng Moonbake Inc, at residente ng San Fernando St., Las Piñas City matapos ang insidente.
Batay sa ginawang pagsisiyasat, nakipaggit-gitan sa isa pang close van na minamaneho ni Randy Torano, 24 si Jasmin kaya’t hindi niya namalayan ang biglang pagliko pa-u turn ng mobile car pagsapit sa Cananay Avenue sa Brgy San Dionisio, dakong alas-3 ng madaling araw.
Sinampahan ng kasong 2 counts reckless imprudence resulting to physical injuries at damage to property sa piskalya ng Parañaque ang driver na si Jasmin. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending