Droga, prostitusyon atbp. talamak sa Bilibid
Pinaiimbestigahan kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang umano’y mga illegal na aktibidad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) dahil sa natanggap na anonymous letter buhat sa asawa ng isang inmate na nagsasabing laganap sa loob ng Maximum Security Prison ang droga, alak, sugal at prostitusyon.
Inatasan na umano ni Gonzalez si NBP director General Oscar Calderon na imbestigahan ang nasabing mga illegal na aktibidad dahil isa umano itong seryosong usapin.
Kahit na ipinagbabawal ang cellular phones sa loob ng NBP ay gumagamit pa rin umano nito ang mga prominenteng tao tulad nina dating Congressman Romeo Jalosjos at Hubert Webb.
Kinukumpiska umano ang mga cellphone na makikitang gumagamit nito maliban na lamang kung magbabayad ng P2,000-P4,000 sa guwardiya na siyang regular na umiikot sa bawat dorm sa maximum security.
Nakasaad pa sa liham ng ginang na nahuli niya ang kanyang asawa sa isang pot session at dito inamin sa kanya na ang nagsu-supply ng shabu at nagpapasok nito sa NBP ay ang asawa ng isang miyembro ng Sputnik Gang.
Bukod pa dito, nagpapasok din sa Gate 1 ng mga bayarang babae na siyang nagbibigay ng ligaya at entertainment sa mga bilanggo na kayang magbayad ng P1,500-P2,000.
“We need to verify her letter. What if she only has a grudge against a prison official or a guard? Whether she’s telling the truth or not, we can never tell unless she comes forward,” ayon pa kay Gonzalez. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending