Palad ng tomboy binutas sa saksak

Nabutas ang palad ng isang tomboy nang saksakin ito ng isa sa magkapatid na lalake dahil sa isang mainitang pagtatalo sa isang lamayan kahapon ng madaling-araw sa Navotas City .

Kinilala ng pulisya ang biktimang nagtamo ng sugat sa kanang palad na si Cristina Santos, 26 anyos, ng 118 B. Cruz Street, Dulong Tangos ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nakakulong ang mga suspek na sina Roderick Dela Cruz, 39 taong gulang, at kapatid nitong si Rodelio, 35 anyos, pawang kapitbahay ng biktima.

Sinabi ng pulisya na kumakanta si Santos sa isang videoke machine sa isang lamayan sa A. Cruz St., Dulong Tangos nang biglang dumating ang mga suspek na pawang bangag umano sa alak.

 Sa kasarapan ng pagkanta ni Santos ay sinadyang pinatay umano ng isa sa magkapatid ang videoke machine na ikinagalit naman ng biktima na naging dahilan para komprontahin nito ang mga suspek na humantong naman sa isang mainitang pagtatalo.

 Habang nasa kainitan ng kanilang pagtatalo ay biglang nagbunot ng patalim ang matandang Dela Cruz at saka inundayan ng isang saksak ang biktima na tina­maan sa kanyang kanang palad. (Lordeth Bonilla)

Show comments