Dalagita tumungga ng silver cleaner, patay
Isang 15 anyos na dalagita ang isinugod sa Manila Doctor’s Hospital makaraang makainom umano ng silver cleaner sa pag-aakalang kalamansi juice lamang ito sa Tondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Sinabi ni SPO4 Marlon Masangya, desk officer ng Manila Police District-Station 1, na dakong ala-1:30 ng hapon ng makatanggap siya ng tawag sa telepono hinggil sa umano’y aksidenteng pagkalason ng biktimang itinago sa pangalang “Jenny” sa Corcuerra St., Tondo.
Sinabi ni Josephine Matic, ina ng biktima, na nakakita ng baso ang biktima na inakalang may lamang calamansi juice at naiwan ng nangungupahan sa kanila. Dinagdagan umano ng calamansi ng biktima at umakyat sa ikaapat na palapag ng kanilang bahay bago ininom.
Dahil sa hindi na umano bumaba ng bahay ang biktima kaya pinuntahan nila ito sa itaas at doon nadatnang bumubula ang bibig at walang malay kaya isinugod sa Mary Johnston Hospital.
Sinabi umano ni Aling Josephine na wala silang alam na problema ng anak kaya hindi sila naniniwalang nagtangka itong magpatiwakal. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending