Isang 27-anyos na binata ang natigok makaraang magtamo ng bala ng baril sa kanang sentido bunga ng paglalaro ng Russian roulette, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Namatay noon din ang biktimang si Joseph Romero, jeepney driver, residente ng Legarda St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng nasawi.
Nag-iinuman umano ang biktima at kapitbahay nito sa loob ng bahay ng una nang hugutin ng biktima ang kanyang kalibre .38 baril sa beywang at saka kinargahan ng isang bala bago inikot ang trigger.
Nagulat na lamang at natulala ang kainuman nang itutok ng biktima sa sentido ang baril at biglang kalabitin na agad namang pumutok sa ulo nito.
Patuloy na iniimbestigahan kung nagkaroon ng foul play sa kaso. (Ludy Bermudo)