11-anyos binigti ng 'Akyat-Bahay gang'

Isang 11-anyos na batang lalaki na may kapansanan sa pag-iisip ang natagpuang patay na pinaniniwalaang dulot sa pagkakabigti, kama­kalawa ng hapon sa loob ng bahay nito sa Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Michael Valencia, naninirahan sa Del Mundo street, San Martin Village, Bgy. Talipapa, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Homicide Section, natagpuan ang bangkay ng totoy ng kanyang ina-inahan na si Dolores Valeras dakong alas-5 ng hapon sa loob ng kuwarto nito sa kani­lang bahay.

Nadiskubre sa tabi ng bik­tima ang telephone cord na hinihinala ng pulisya na maa­aring ginamit ng mga salarin sa pagbigti dito. Napansin rin ni Valeras na nawawala ang limang cellphones at dala­wang digital video camera na isinanla sa kanya ng mga kapitbahay.

Itinuro naman ni Valeras ang isang nagngangalang “Joey” na hinihinala niyang po­sibleng suspek sa naturang krimen.

Malinaw umano ang mo­tibo ng mga suspek na pag­nanakaw ang dahilan ng pagpasok sa bahay ni Valeras at maaaring nakita sila ng batang si Valencia sanhi upang paslangin ng mga suspek.

Show comments