Akyat-baba mula ground hanggang 8th floor
Todo ang kalbaryo na dinaranas ng may 300 estudyante ng Manila High School bunga ng ginagawang pag-akyat at pagbaba ng mga estudyante mula ground hanggang 8th floor sa loob ng limang araw sa kanilang pansamantalang eskuwelahan sa PNB Bldg sa Escolta, Manila.
Ayon sa nakalap na impormasyon, posibleng tumagal pa ang kalbaryo ng mga estudyante hangga’t hindi natatapos ang konstruksyon ng kanilang 3-storey building ng Manila High School sa dati nitong lokasyon sa Intramuros, Manila at higit sa lahat ay kung hindi magagawan ng paraan ang mabilisang pagkukumpuni sa may dalawang elevator sa nasabing gusali.
Nabatid na may dalawang linggo na ang nakakaraan nang ipangako ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa principal ng Manila High School na si Wilfredo Empleo na gawan ng paraan ang pagka-klase ng mga estudyante ng Manila High sa PNB Bldg. Ito ay makaraang ulanin ng daing ang tanggapan ng alkalde sa kalunus-lunos na sitwasyon ng mga estudyante ng Manila High na nagka-klase sa madilim na classrooms, mainit at higit sa lahat walang elevator na gusali.
Agad namang nasolusyunan ng mga tauhan ni City Engineer Armand Andres ang suliranin sa kawalan ng proper ventilation at proper lighting sa nasabing gusali ng PNB ngunit hindi ang suliranin sa elevator na hanggang ngayon ay siyang itinuturing na dahilan kung bakit madalas ay nagka-cut ng klase ang karamihan ng mga estudyante. (Doris Franche)
- Latest
- Trending














