^

Metro

2 sekyu, teller todas sa UP holdap

- Danilo Garcia -

Patay ang dalawang security guard at isang teller ng isang bangko ma­karaang holdapin ng apat na armadong sus­pek ang isang armored van sa loob ng University of the Philip­pines com­pound kahapon sa Que­zon City.

Sa inisyal na imbesti­gas­yon, nakilala ang mga nasawi na sina Renato Reyes at Rene Demery, kapwa security guard at si Gerardo Aguirre Jr., bank teller ng Philippine Vete­rans Bank. Nagtamo ang mga biktima ng mga tama ng bala ng M-16 rifle sa buong katawan.

Naganap ang insi­dente pasado ala-1 ng hapon ma­lapit sa Bahay ng Alumni sa UP com­pound sa Diliman, Que­zon City. Ayon sa isang taxi driver na nakasaksi sa insidente, bigla uma­nong pinapu­tukan ng mga sus­pek ang gulong ng armored van (MDB-379) at tinutukan ang driver nito.

Nagawa pa umanong magpaputok ng mga se­cu­rity guard sa mga salarin ngunit dinaig ang mga ito ng mas mala­lakas na ka­libre ng baril ng mga sus­pek san­hi ng kanilang kamatayan.

Sinabi ni Rosenda Hernandez, bank ma­nager ng PVB, na hindi pa naka­ka­kuha ng pera ang ar­mored van nang ma­ganap ang pananam­bang. Ngunit sinabi nito na ma­aaring naka-pick-up na ng salapi sa ibang bangko ang van nang ha­rangin ng mga holdaper.

Nabatid na ang 4 hang­gang limang suspek ay naka-hood at armado ng matataas na kalibre ng baril. Agad namang ipinag-utos ni QCPD Director, Sr. Supt. Magtanggol Gat­dula ang pagtatatag ng check­points sa buong lungsod sa pag-asang maaaresto ang mga salarin.

Kataka-taka naman na hindi ginalaw ng mga hol­daper ang driver ng van na pansamantalang itinago muna ang pag­ka­kakilanlan habang isi­na­sailalim sa imbesti­gasyon.

Samantala, narekober na kahapon ng mga pulis   ang isang Mitsubishi Ad­venture SUV na ginamit ng mga holdaper sa paghi­hintay sa armored van may 500 metro lamang ang layo sa lugar ng pananam­bang sa loob ng UP Com­pound sa Diliman.

 Ayon sa dalawang saksing estudyante, nakita nila ang mga suspek na lumipat sa isang maroon na Toyota Revo ngunit hindi na nila nagawang makuha ang plaka nito.

Nakuha sa loob ng Adventure van (WKJ-409) ang dalawang plastic bottle na may lamang ihi kaya hinihinalang planado at matagal na naghintay ang mga holdaper sa pagda­ting ng armored van. Na­kuha rin sa loob nito ang da­lawang sumbrero, ilang round ng bala ng M-14 o M-16 rifles, at dalawang plaka ng sasakyan na SFI-905 at SFV-903.

Agad namang inins­peksyon ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte at National Capital Region Police Office ang lugar ng krimen. Nakikipag-usap nga­yon ang QCPD sa pa­munuan ng UP sa po­sib­leng seguridad na maita­talaga ng kapulisan sa loob ng open university dahil sa mga malalaking krimen na nagaganap dito sa kabila ng pagkakaroon ng sariling UP police.

AYON

DILIMAN

GERARDO AGUIRRE JR.

MAGTANGGOL GAT

MITSUBISHI AD

NATIONAL CAPITAL REGION POLICE OFFICE

SHY

VAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with