Muling nagtapyas ng P1 sa kada kilo ng liquefied petroleum gas ang LPG Marketers Association (LPGMA) makaraang i-rollback ang presyo ng kanilang autogas sa halagang P1 kada litro noong araw ng Martes.
Ayon kay Arnel Ty, pangulo ng LPGMA, naging epektibo ang pagbabawas nila ng P1 kada kilo ng LPG kamakalawa ng gabi bunga na rin ng patuloy na pagbaba ng contract price nito sa pandaigdigang pamilihan.
Hindi naman nasiyahan si Energy Secretary Angelo Reyes sa paunti-unting rollback ng mga kompanya sa presyo ng LPG sa paniwalang napakaliit na halaga ang itinatapyas ng mga ito kumpara sa napakalaking halaga na ibinagsak ng contract price nito sa world market.
Kahapon ay pinulong ni Reyes ang ilang mga kompanya na dinaluhan ng Total, LPGMA at Liquid Gas upang ipabatid ang resulta sa ginawa nilang pagtaya sa dapat maging presyo ng bawat tangke ng LPG.
Ayon kay Reyes, 39, porsiyento na ang ibinagsak ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan kaya’t dapat ay umaabot na sa P194 ang ibinawas sa presyo ng mga kompanya sa halip na P44 kada tangke.
Kung umaabot aniya sa P610 ang halaga sa kasalukuyan ng bawat tangke ng LPG na may 11 kilo ang laman, dapat ay nagkakahalaga na lamang ito sa ngayon ng P476. (Lordeth Bonilla at Edwin Balasa)