Misis ng police colonel, tiklo sa droga
Isang misis ng isang police colonel ang nakaditine ngayon sa Quezon City Police District (QCPD) matapos na maaresto ng mga awtoridad sa isinagawang “anti-drug operation”, kahapon sa naturang lungsod.
Nakilala ang nadakip na si Cynthia Esguerra, asawa umano ng isang Sr. Supt. Esguerra na nakatalaga sa PNP Headquarters sa Camp Crame, Quezon City. Kasama nitong naaresto sina Jessica Tadesco, 19; Agusto de Luiz, 27; Raymond Lampizea, 26; Raymond Aaron Nudo, 25; Ronald Pangilinan, 27; at Rumer Mercado, 27.
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Station 2, nadakip ang mga suspek dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon nang salakayin ng mga barangay tanod ang isang bahay sa Dagupan St., Brgy. Mariblo, ng naturang lungsod.
Ayon sa pulisya, isang impormante ang nagsumbong sa kanila na may nagaganap na “pot session” sa naturang bahay. Huli sa akto ang mga nadakip na suspek na gumagamit ng iligal na droga.
Nakaditine ngayon sa QCPD-Sation 2 detention cell ang mga inaresto na isasailalim sa imbestigasyon at nakatakdang sampahan ng paglabag sa Republic Act 9165. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending