Nabaril at napatay ng Pasay police ang isang ex-convict na pumaslang sa isa nilang beteranong imbestigador nang agawan ng suspect ng baril ang escort na pulis kahapon ng madaling- araw sa mismong compound ng Pasay Police headquarters.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital ang suspect na si Lito Tagalog, Alyas “Undo”, 31, barker, at nakatira sa Luring St., ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib matapos itong mabaril ni Chief Insp. Joey Goforth, deputy chief ng SIDMS.
Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng madaling-araw sa nabanggit na compound, habang patungo ang mga pulis kasama ang suspect sa lugar na pinagtapunan ng baril ng huli sa pamamaslang kay PO3 Reynaldo “Boyet” Aguba.
Inagaw ng suspect kahit nakaposas na ito, ang service firearm ng kanyang escort na si SPO2 Joel Landicho.
Nagpambuno ang dalawa sa pag-aagawan hanggang sa nagawang maiputok ni Tagalog ang baril ni Landicho kaya’t ipinasya na ni Chief Insp. Goforth na barilin na ang suspect.
Napag-alaman na nadakip si Tagalog sa bahay ng kanyang mga magulang sa De Mesa Resort, Purok IV, Brgy. Dalahican, Lucena City dakong alas-12:40 ng madaling-araw makaraang paslangin nito si Aguba noong Miyerkules ng gabi.
Tinangka pa umanong tumakas ni Tagalog nang datnan at arestuhin ito ng mga pulis sa bahay ng kanyang mga magulang.