Blotter di namin itinatago - PNP
Hindi itinatago ng PNP ang blotter! Ito ang mariing paliwanag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome matapos na pumalag ang mediamen sa pagbabawal umano ng mga pulis sa mga himpilan ng pulisya na masilip ng mga reporter ang police blotter.
Sa press briefing sa Camp Crame, nilinaw ni Bartolome na hindi pagtatago manapa’y mayroon lamang prosesong dapat sundin sa paglalabas ng police blotter. Ang nasabing dokumento ay nagsilbing buhay na ng mediamen sa mahabang panahong coverage sa PNP.
Binigyang diin ni Bartolome alinsunod sa Memorandum na ipinalabas ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ay kaila ngan muna itong dumaan sa masusing proseso o masuring mabuti ng mga kinauukulang opisyal ng PNP bago masilip ng mga reporter.
“Kinakailangan lamang naman na magkaroon ng coordination yung media sa mga kailangan nilang makitang reports at hindi naman ipinagbabawal kundi kailangang ipagpaalam lang nang sa gayon ay hindi naman sa lahat ay magkaroon ng problema,” ani Bartolome.
Ipinaliwanag ni Bartolome na ito’y upang mabigyang proteksyon ang mga sensitibong kaso at ang integridad lalo na ng mga kababaihan at mga bata na biktima ng karahasan gaya ng rape victim gayundin ng mga suspect na di pa naman napapatunayang tunay na nagkasala sa anumang kaso.
Sinabi ni Bartolome ang nasabing Memorandum ay ipalabas ng PNP at ipinakalat sa mga himpilan ng pulisya umpisa pa noong huling bahagi ng Oktubre bilang bahagi ng desentralisasyon ng trabaho ng mga opisyal ng pulisya sa bawat himpilan kung saan ay iniutos rin ang pagtatalaga ng Spokesman para magbigay ng impormasyon sa media. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending