Libreng paaral ni SB sa street kids, extended
Extended ang pagkakaloob ng libreng paaral ng Quezon City government sa may 350 batang lansangan.
Naglaan pa si QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte ng halagang P5 milyon para sa naturang programa kung saan ang isang batang lansangan ay tatanggap ng buwanang allowance na P1,500 sa loob ng 10 buwan bilang panggastos sa iba pang gastusin sa pag-aaral.
Ang Social Services Development Department ng QC hall ang mangangasiwa sa programa kung saan hindi lamang ang mga batang lansangan ang makikinabang dito kundi pati na rin ang mga naabusong kabataan at mga kabataang may kaso.
“Importante ang pagbabalik ng mga kabataang ito sa paaralan,” pahayag ni Belmonte kaalinsabay sa pagdiriwang sa Children’s Month ngayong buwan.
Kasama sa benepisyaryo ng programang ito ang may 200 special children na naka-enrol na sa iba’t ibang special educational schools sa QC.
Una nang naglaan si Belmonte ng halagang P1.8 Milyon upang pondohan ang naturang scheme na nailunsad na noong Hulyo noong ginunita ang National Disability Prevention Week. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending