Habambuhay sa 5 mag-uutol na pumaslang sa pulis
Limang magkakapatid na lalaki ang hinatulan kahapon ng Caloocan City court ng habambuhay na pagkabilanggo kaugnay sa pagpaslang sa pulis nilang kapitbahay walong taon na ang nakakalipas.
Sa 26-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Thelma Canlas Trinidad-Pe Aguirre ang mga hinatulan ay sina Herminiano Abad Jr., 40; at mga kapatid na sina Ferdinand, 37; Christopher, 33; Valentino, 32; at Willyboy, 28, kaugnay sa pagpaslang kay PO1 Louie Lim noong Nobyembre 2000.
Base sa desisyon, ang mga akusado ay napatunayang guilty sa kasong murder.
Iniutos din ng korte sa bawat isang akusado na magbayad ng P50,000 sa naiwan ng biktima, bukod pa P100,000 exemplary damages at P43,000 actual damages.
Base sa rekord ng korte, naganap ang insidente noong Nobyembre 29, 2000 dakong alas-8:45 ng gabi sa Phase 10, package 2 sa Bagong Silang, Caloocan nang bugbugin at mapatay ng mga akusado ang biktima.
Unang naka-engkuwentro ng pulis si Willyboy at ilang sandali pa ay tumulong na ang iba pang kapatid nito at pinag-tulungang bugbugin ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito.
Hindi nakumbinse ng mga akusado ang korte sa kanilang alegasyon na napatay nila ang biktima dahil lamang sa self-defense. Armado umano ang pulis ng 9mm service pistol.
- Latest
- Trending