Lola ni Pauleen Luna todas sa holdaper
Bumulagta sa palengke matapos barilin ang 62-anyos na lola umano ng aktres na si Pauleen Luna, nang manlaban sa holdaper habang naniningil ng pautang sa mga vendor, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa kalapit na Chinese General Hospital ang biktimang si Mercedita Jimenez, mas kilala sa tawag na “Ka Baby”, negosyante, residente ng Felix Huertas St., Sta Cruz, Manila na nagtamo ng tama ng bala sa leeg at dibdib mula sa kalibre .45 baril ng holdaper.
Bugbog sarado sa mga taong palengke ang naarestong suspect na kinilalang si Edison Antonio, 46, miyembro ng “Guardians” Quezon City Chapter, at residente ng Pilar St., sa Manuguit , Tondo.
Sa ulat ni Det. Dave Tuazon ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-6 ng umaga ay naniningil umano ng pautang ang biktima sa mga tindera sa kanto ng Oroquieta at Antipolo Sts., sa Blumentritt Sta. Cruz, Maynila nang lapitan siya ng suspect at agawin ang dalang bag ng biktima.
Gayunman nanlaban ang matanda kung kaya pinaputukan ito nang malapitan ng suspect.
Nang maalarma ang maraming tindero at mamimili, mabilis na hinabol at kinuyog ang papatakas na suspect na tinantanan lamang nang magmistulang lantang gulay.
Narekober mula sa suspect ang gamit na baril at isang bag na may lamang iba’t ibang identification cards at isa rito ang ID niya bilang miyembro ng “Guardians Maharlika Inc., Unang Sigaw Cloverleaf, Quezon City Chapter”.
Hindi narekober ang inagaw na bag ng biktima na hinihinalang may salapi.
Naging palaisipan naman sa awtoridad kung bakit may larawan ng biktima ang bag na pag-aari ng suspect.
Sa pulisya, aminado ang suspect na napag-utusan lamang siya na gawin ang pagpatay subalit hindi ikinakanta ang nag-utos sa kanya.
Nabatid pa sa rekord ng pulisya, isa ang nasabing suspect sa pinaghihinalaang may kagagawan ng pagpatay at panghoholdap sa isang “Ka Pabling” na kolektor umano ng Rural Bank sa nasabi ring palengke.
Nakapiit na ang suspect habang inihahanda ang kasong isasampa sa kanya.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya upang matukoy ang kasabwat ng nadakip na si Antonio.
Ayon sa ilang miron, may nakaantabay pang isang lalaki na posible umanong pinagpasahan ng bag na hinoldap ng suspect.
- Latest
- Trending