4 OFW naaksidente
Apat na overseas Filipino workers ang nasugatan sa isang aksidente sa kalsada sa Saudi Arabia na ikinamatay ng tatlong katao.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs, ang tatlo sa mga OFW na nasaktan sa aksidente ay nakilalang sina David Carlie, Alfred Angeles at Noel Vasquez, pawang empleyado ng Saudi Cement Company.
Nasa maayos na umanong kondisyon ang mga ito.
Isa pang ’di nakilalang Pinoy na kabilang din sa aksidente ay sinasabing nasa kritikal namang kondisyon.
Batay sa ulat, kabilang sa mga nasawi sa road accident ay dalawang Indian national at isang Egyptian.
Lumilitaw na sakay ang mga biktima ng Saptco Bus at bumibiyahe sa Abha-Jizan zigzag tunnel patungong Jeddah nang maganap ang aksidente.
Sinasabing nawalan ng kontrol ang driver ng bus sa sasakyan na bumaligtad na naging sanhi ng agarang kamatayan ng tatlong dayuhang pasahero nito at ikinasugat naman ng iba pa na kinabibilangan ng mga OFW. (Mer Layson)
- Latest
- Trending



















