Nakawan tataas sa X'mas season
Dahilan sa inaasahang pagtaas ng mga insidente ng nakawan sa panahon ng Kapaskuhan partikular na sa Metro Manila, palalakasin pa ng Philippine National Police (PNP) ang police visibility sa mga shopping malls at iba pang lugar na dinadagsa ng mamimili.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bar tolome na karaniwan at ina asahan na talaga ng PNP ang pagsasamantala ng masasamang elemento tulad ng mga holdaper, mandurukot, snatcher, mga Akyat Bahay gang sa tuwing papasok na ang kapaskuhan.
Ayon kay Bartolome, may mga nakalatag ng security measures ang PNP upang mahadlangan ang posibleng pagtaas ng insidente ng mga nakawan.
Batay sa report, mistulang mga kabuteng nagsulputan ang masasamang loob sa Metro Manila kung saan ay talamak ang holdapan, bag slashing, pandurukot at iba pang petty crimes sa pagpasok pa lamang ng ‘ber months’ lalo na kapag malapit ng magbonus at sumuweldo ang mga empleyado.
Sinabi ni Bartolome na mas mabuting maging vigilante ang taumbayan at isagawa ang kaukulang pag-iingat para makaiwas na mabiktima ng masasamang elemento.
Kaugnay nito, sinabi naman ni NCRPO Chief Director Jefferson Soriano na mananatili sa full alert status ang buong puwersa ng kapulisan sa Metro Manila bilang paghahanda sa Christmas shopping.
Ayon kay Soriano mula sa mga sementeryo ay mga shopping center at pangunahing pasilidad naman ngayon ang babantayan ng NCRPO operatives.
- Latest
- Trending