Maid ginahasa ng negosyante sa banyo
Isang 35-anyos na katulong ang naghain ng reklamo sa Manila Police District laban sa isang negosyanteng Intsik na kaibigan ng kaniyang amo matapos umano siyang gahasain nito sa loob ng isang banyo.
Batay sa salaysay ng biktimang itinago sa pangalang “Christine”, isang Jerry Lim alyas “Angkong,” 53-anyos, residente ng Room 505, CDC Building sa #688 Lavezares St., Binondo, Maynila ang pwersahang gumahasa sa kanya.
Ang insidente ay naganap sa loob ng banyo ng kaniyang pinaglilingkuran noong Oktubre 29, 2008 dakong alas- 9:30 ng gabi sa Room 403 ng #607 Caballeros St., Binondo.
Ayon sa biktima, kaaalis pa lamang ng kanyang among si Joey Chen kasama ng anak nito kaya mag-isa siya sa bahay nang dumating ang suspek.
Binuksan niya ang pintuan nang dumating ang suspek at bigla na lamang siyang hinawakan at kinaladkad patungo sa CR at doon ay pinaghahalikan siya sa labi, hinawakan ang kanyang kaselanan at nagkapunit-punit ang kanyang shorts sa pwersa ng suspek. Naihiga umano siya sa semento ng banyo at doon isinakatuparan ang paglugso umano sa kaniyang puri.
Matapos makaraos ang suspek ay tumakbo siya sa kusina upang kumuha ng kutsilyo subalit mabilis na tumakas ang lalake habang nagbibihis.
Habang papatakas ay hinagisan pa siya ng P500 sabay sabi ng suspek na “Mangsi yaya mangsi” na patuloy nitong sinasabi habang tumatakbo.
Nang isumbong ng biktima sa kanyang amo ang ginawa ng kaibigan nito ay nagalit ito at pinagsabihan siya na huwag nang pagbuksan pag pumunta muli ang suspek. Hindi rin siya pinayagang dumulog sa pulisya.
Nagawa lamang maghain ng reklamo ng biktima nang makausap sa cellphone ang isang kamag-anak na sumundo sa kanya sa bahay ng amo.
Mabilis namang nadakip ng mga tauhan ni P/Supt. Nelson Yabut, hepe ng station 11 sa isinagawang follow-up operation ang suspek dakong alas-11 ng gabi noong Oktubre 30 nang mamataan sa kalye Lavezares sa Binondo.
- Latest
- Trending