Maid natagpuang patay sa kotse ng amo

Isang araw na igina­pos at binihag sa mis­mong kanyang bahay ang isang dalagang accountant ng nag-iisang suspect at pina­laya la­mang matapos na mag­bayad ang ama ng una ng P.8-M ransom.

Matapos mapalaya, doon lang natuklasan na pinatay din ng suspect ang katulong ng biktima na inilagay sa loob ng tra­velling bag at saka iti­nago sa compartment ng sasak­yan ng mga ito, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Natuklasan ang bang­kay ni Estrella Bitancar, dalaga, tubong-Cama­rines Sur, katulong ng isa pang biktimang si Jenni­fer Reyes, 25, residente ng Cristobal St., Sampa­loc ay natagpuang naka­silid sa isang malaking ka­hon na ibinalot sa plastic at isinilid pa sa loob ng isang tra­velling bag na natuklasang itinago sa compartment ng kotse.

Nakasuot ng bonnet at itim na t-shirt at pan­ta­lon ang nag-iisang suspect.

Sa imbestigasyon ni Det. Benito Cabatbat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Sec­tion, noong Miyerkules dakong alas-10:30 ng gabi nang pasukin ng suspect ang bahay ng mga biktima at kama­kalawa lamang ng gabi, bandang alas-7:50 nang tuluyang makawala si Reyes matapos na mag­bayad ang ama nitong si Enrique Reyes ng ha­lagang P.8-M.

Napag-alaman na unang humingi ang sus­pect ng P5-M ransom sa ama ng biktima na nag­papatakbo ng negosyong hardware/lumber sa Bicol.

Sa huli nagka­sundo na P.8-M na lamang at mula sa Bicol ay duma­ting kamaka­lawa ang ma­tandang Reyes dala ang ransom money.

Pagdating sa bahay ay inutusan siya ng sus­pect na ilagay ang dalang pera sa kahon na nasa ga­rahe at ilagay sa loob ng kotse ng mga Reyes na isang Honda Civic.

Mismong sa ama ng biktima pa nagpamaneho ang suspect. Ilang san­dali pa ay nagpababa na ang suspect dala ang pera. Habang bumalik naman sa bahay ng kan­yang anak si Enrique at doon nakita nga nito si Jennifer na iginapos ng suspect.

Doon din nila naalala ang katulong na si Bitan­car at sa loob nga ng com­partment ng kotse nakita ang bangkay nito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbes­tigasyon sa kaso.

Show comments