Maid natagpuang patay sa kotse ng amo
Isang araw na iginapos at binihag sa mismong kanyang bahay ang isang dalagang accountant ng nag-iisang suspect at pinalaya lamang matapos na magbayad ang ama ng una ng P.8-M ransom.
Matapos mapalaya, doon lang natuklasan na pinatay din ng suspect ang katulong ng biktima na inilagay sa loob ng travelling bag at saka itinago sa compartment ng sasakyan ng mga ito, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.
Natuklasan ang bangkay ni Estrella Bitancar, dalaga, tubong-Camarines Sur, katulong ng isa pang biktimang si Jennifer Reyes, 25, residente ng Cristobal St., Sampaloc ay natagpuang nakasilid sa isang malaking kahon na ibinalot sa plastic at isinilid pa sa loob ng isang travelling bag na natuklasang itinago sa compartment ng kotse.
Nakasuot ng bonnet at itim na t-shirt at pantalon ang nag-iisang suspect.
Sa imbestigasyon ni Det. Benito Cabatbat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, noong Miyerkules dakong alas-10:30 ng gabi nang pasukin ng suspect ang bahay ng mga biktima at kamakalawa lamang ng gabi, bandang alas-7:50 nang tuluyang makawala si Reyes matapos na magbayad ang ama nitong si Enrique Reyes ng halagang P.8-M.
Napag-alaman na unang humingi ang suspect ng P5-M ransom sa ama ng biktima na nagpapatakbo ng negosyong hardware/lumber sa Bicol.
Sa huli nagkasundo na P.8-M na lamang at mula sa Bicol ay dumating kamakalawa ang matandang Reyes dala ang ransom money.
Pagdating sa bahay ay inutusan siya ng suspect na ilagay ang dalang pera sa kahon na nasa garahe at ilagay sa loob ng kotse ng mga Reyes na isang Honda Civic.
Mismong sa ama ng biktima pa nagpamaneho ang suspect. Ilang sandali pa ay nagpababa na ang suspect dala ang pera. Habang bumalik naman sa bahay ng kanyang anak si Enrique at doon nakita nga nito si Jennifer na iginapos ng suspect.
Doon din nila naalala ang katulong na si Bitancar at sa loob nga ng compartment ng kotse nakita ang bangkay nito.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest
- Trending