Mga paputok winalis sa Maynila
Winalis ng Manila Police District-Station 11 ang mga nagbebenta ng firecrackers at pyrotechnics sa erya ng Binondo, sa Maynila na nagresulta sa pagkumpiska ng may kabuuang P20,000 halaga ng produkto, sa ulat kahapon. Sinabi ni P/Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD Station 11, agad niyang inatasan ang mga tauhan na hulihin at kumpiskahin ang mga iligal na nagbebenta ng paputok batay sa sumbong na nakarating sa kanila.
Bandang alas-10:30 ng umaga, kamakalawa nang isinagawa nila ang mga pagsalakay sa Camba St. malapit sa N. de Santos St. sa Binondo. Agad na ring sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 7183 o illegal selling and disposing of prohibited firecrackers and pyrotechnics ang mga vendor.
Magugunitang nagsagawa ng inspeksiyon ang Bureau of Fire Protection, Department of Trade and Industry (DTI) at MPD laban sa mga iligal na paputok, mga produktong walang international commodity clearance tulad ng Christmas lights upang hindi mabili ng publiko. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending