Albatross inihahalo sa shabu

Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bukod sa tawas, ini­hahalo na rin ngayon ng mga “tulak” ng droga ang pinulbos na pabango sa mga banyo o al­batross upang maparami ito dahil sa kakapusan ngayon ng suplay ng iligal na droga.

Nagbabala naman si PDEA Director General Dionisio San­tiago sa mga sugapa sa droga na matinding panganib sa ka­nilang kalusugan at utak ang idu­dulot ng shabu na may halo na maaaring ikamatay o aga­rang pagkabaliw.

Bukod dito, ibinibenta na rin ng mga tulak ang “ephedrine” na isa sa mga sangkap sa pag­likha ng shabu dahil sa hindi na ito maiproseso upang maging “high-grade” dulot ng pagsa­lakay sa mga shabu laboratory sa bansa ng PDEA.

Una nang lumabas ang ulat na mas mahal na ngayon ang shabu kaysa cocaine kaya ina­asahan ng PDEA na maaaring dito lumipat ng operasyon ang mga sindikato ng iligal na droga. 

Dahil dito, sinabi ni Santiago na inilatag na nila noong na­karaang taon pa ang kanilang “intelligence ground work”   na nag­resulta na sa pagka­kalan­sag sa pitong shabu trans­national syndicate noong 2007. Nga­ yong taon, dalawa na sa limang sindikato na patuloy na nag-ooperate sa bansa ang ka­nilang nabuwag na. (Danilo Garcia)

Show comments