Albatross inihahalo sa shabu
Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bukod sa tawas, inihahalo na rin ngayon ng mga “tulak” ng droga ang pinulbos na pabango sa mga banyo o albatross upang maparami ito dahil sa kakapusan ngayon ng suplay ng iligal na droga.
Nagbabala naman si PDEA Director General Dionisio Santiago sa mga sugapa sa droga na matinding panganib sa kanilang kalusugan at utak ang idudulot ng shabu na may halo na maaaring ikamatay o agarang pagkabaliw.
Bukod dito, ibinibenta na rin ng mga tulak ang “ephedrine” na isa sa mga sangkap sa paglikha ng shabu dahil sa hindi na ito maiproseso upang maging “high-grade” dulot ng pagsalakay sa mga shabu laboratory sa bansa ng PDEA.
Una nang lumabas ang ulat na mas mahal na ngayon ang shabu kaysa cocaine kaya inaasahan ng PDEA na maaaring dito lumipat ng operasyon ang mga sindikato ng iligal na droga.
Dahil dito, sinabi ni Santiago na inilatag na nila noong nakaraang taon pa ang kanilang “intelligence ground work” na nagresulta na sa pagkakalansag sa pitong shabu transnational syndicate noong 2007. Nga yong taon, dalawa na sa limang sindikato na patuloy na nag-ooperate sa bansa ang kanilang nabuwag na. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending