Basag ang mukha ng isang pulis-Maynila matapos umanong pagtulungang gulpihin at paluin ng baril ng umano’y limang ahente ng NBI bunsod lamang ng simpleng gitgitan ng kanilang sasakyan sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ito ang reklamong idinulog ni PO3 Rodolfo Pascual, 46, nakatalaga sa MPD Police Precinct sa Plaza Miranda.
Isa umanong Atty. Elizardo Bermudez, ahente ng NBI at apat pang kasamahan nito ang bumugbog sa kanya.
Nabatid na dakong alas-12:05 ng madaling araw habang papauwi ng bahay at binabagtas ang kaha baan ng Tayuman St., sakay ng kanyang motorsiklo ay na-cut umano siya ng sasakyan ni Bermudez na isang kulay blue na Pajero.
Hindi umano ito ininda ng biktima at nagpatuloy sa pagtakbo hanggang sa sumapit sa panulukan ng Juan Luna at Yuseco Sts., Tondo nang muli siyang i-cut kaya sinita na niya ang nasabing sasakyan ng NBI.
Agad umanong nagpakilalang NBI si Bermudez at kasabay umano nito ang pagtawag sa cellphone.
Ilang minuto pa ay dumating sa lugar ang isang kulay green na Adventure, sakay umano ang apat pang miyembro ng NBI.
Magpapakilala umano siyang pulis subalit pwersahan siyang isinakay sa Adventure at pinalo umano siya ni Bermudez ng Magnum .357 sa mukha habang pinagtulungan namang bugbugin ng mga kasamahan nito.
Nang matapos bugbugin ay binitbit siya sa tanggapan ng NBI-Anti Graft Division (AGD) kung saan nakausap siya ng hepe na si Atty. Allan Contado, at hinimok na “usapang lalaki na lamang”; “ayusin na lang ang kaso” at umano’y siya nang bahalang makipag-usap kay Bermudez.
Dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang payagan na siyang umuwi at isinoli ang mga kinumpiskang gamit. (Ludy Bermudo)