OFW nakursunadahan, inatado
Isang kararating-rating pa lamang na Overseas Filipino Worker (OFW) ang hindi na nagawa pang mahanap ang kanyang kapatid na babae makaraang makursunadahang at ataduhin ng tatlong kalalakihan, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Las Piñas Medical Center bunga ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Noli Cris dela Cruz, 30, residente ng Sta. Cruz, Manila.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang mga suspect na kinilalang sina Raymond Montejo, alyas “Emong”, 24; Rolando Irazo, alyas “Estong” at isang hindi pa nakikilalang kasamahan ng mga ito, pawang mga residente ng Factor Compound, Almanza 1, Las Piñas City na sabay-sabay na tumakas dala ang patalim na ginamit sa pagpaslang sa biktima.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Roland Abraham, may hawak ng kaso, dakong alas-10 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa Factor Compound, Zapote-Alabang Road, Almanza Uno ng nabanggit na lungsod.
Ayon pa sa ulat, hinahanap ng biktima ang bahay ng kanyang kapatid na si Nelmar dela Cruz, 32, na nakatira sa nabanggit na lugar nang unang makasalubong nito ang suspect na si Irazo. Sa pag hahanap, sinadyang bungguin umano ng suspect ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo pero naawat ito ng bayaw ng una. Agad namang umuwi si Irazo at nang bumalik ay kasama na nito si Montejo at isang lalaki na pawang armado ng patalim at agad na pinagtulungang pagsasaksakin ang biktima na nagresulta sa kamatayan nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending