Maagang tinuldukan ng isang 15-anyos na dalagita ang kanyang buhay nang magbigti ito kahapon ng madaling-araw sa Makati City. Tinangka pang isalba ng kanyang mga magulang ang buhay ng 3rd year high school student ng Bangkal High School na si Angel Gale Labena nang isugod sa Ospital ng Makati subalit hindi na rin siya umabot ng buhay sa naturang pagamutan.
Ayon sa ulat, huling nakita ni Eluminada Labena ang kanyang anak dakong alas-10 ng gabi nang silipin sa loob ng silid sa tinitirhan nilang bahay sa Gen. Luna St., Brgy. Bangkal at nakita pang nakikipag-usap sa nakababatang kapatid.
Dakong ala-1 ng madaling-araw nang magising si Gng. Eluminada nang maramdaman ang dampi ng halik ng kanyang anak sa pisngi kaya’t bumangon siya at muling sinilip ang anak sa silid subalit wala na roon ang dalagita.Kaagad na ginising ng ginang ang asawang si Renato at inutusang hanapin ang anak hanggang sa makitang nakabitin na sa rooftop ng kanilang bahay, gamit ang alambreng sampayan.
Nang tingnan naman ng ginang ang cellular phone ng biktima, nakasaad ang paghingi ng tawad ng dalagita sa kanyang ginawa na umano’y dahil na rin sa labis na lungkot.
“Siguro, dahil na rin po sa lungkot ko. Gusto ko pong mag-sori dahil naging pasaway me sau nay, sori po talaga. Sana mapatawad ninyo ako. Salamat,” ang nakasaad sa inbox ng cell phone ng dalagita. (Lordeth Bonilla)